Muling Pakikidigma
By: Jasmine Asher Galanga & Clyde Ashley Fidel
·
Thu Jul 25 2024 13:15:01 GMT+0000 (Coordinated Universal Time)
Sa bawat pagtirik ng araw,
Bughaw na alon ay nais matanaw.
Tamis ng sorbetes ay tila nanghihimok,
Ito’y mga sandaling ligaya ang alok.
Subalit sa pagtakbo ng oras,
Sa tulin nito’y kay bilis kung lumipas,
Waring winawakasan ang saglit,
Espasyo ng pagkatuto ay muling sasapit.
Kaalamang makukuha sa apat na sulok,
Paminsa’y tawa’t kwentuhan ang bumabalot,
Maging ang mga simpleng pagsulyap-sulyap,
At pagsisikap ng bawat isang may pangarap.
Salimisim ng mga masayang ala-ala,
Sa digmaan ay muling makikibaka,
Kung saan pluma ang sandata,
Ikaw, handa ka na bang makidigma?